Ang kailangan mong malaman tungkol sa pagho-host ng mga alagang hayop

Alamin ang mga detalye tungkol sa mga bayarin para sa alagang hayop, proteksyon sa pinsalang dulot ng alagang hayop, at mga gabay na hayop.
Ni Airbnb noong Nob 9, 2021
Na-update noong Ene 8, 2025

Maraming bisitang bumibiyahe kasama ang mga kapamilya nila at madalas na isinasama rin nila ang mga alaga nilang hayop. Batid naming hindi laging posibleng magpatuloy ng mga alagang hayop. Kung gusto mong gawing mainam para sa alagang hayop ang tuluyan mo, puwede kang magdagdag ng bayarin para sa alagang hayop sa itinakda mong presyo kada gabi.

Pagdaragdag ng bayarin para sa alagang hayop

Magagamit mo ang bayarin para sa alagang hayop para mabayaran ang paglilinis na inaasahan mong gagawin pagkatapos magpatuloy ng mga bisitang may alagang hayop, gaya ng pagva-vacuum ng balahibo sa mga muwebles at pagpupunas ng mga marka ng ilong o paa sa mga salaming sliding door.

Kapag naglagay ka ng bayarin para sa alagang hayop, idaragdag ito sa presyo kada gabi at pantay‑pantay na hahatiin sa lahat ng gabi ng reserbasyon. Sa pag-check out, kasama ito sa kabuuang presyo at hindi sinisingil bilang hiwalay na bayarin.

Paghahanda ng tuluyan na mainam para sa alagang hayop

Maraming alagang hayop na sanay sa pagbibiyahe kasama ng kanilang mga amo at wala nang ibang kakailanganin pa. Pero kung pinapahintulutan mo ang mga alagang hayop sa patuluyan mo, makakatulong na magbigay ng:

  • Mga lalagyan ng pagkain at tubig
  • Mga takip ng muwebles na mainam para sa alagang hayop
  • Maraming tuwalyang nakatalaga para sa pagpupunas ng mga paa pagpasok ng pinto
  • Scratching post at litter box (kahit gawa lang sa karton)
  • Mga karagdagang kagamitang panlinis

Pag‑update sa listing mo

Baka gustong malaman ng mga bisitang bumibiyahe nang may kasamang alagang hayop ang dapat asahan sa patuluyan mo tulad ng pagkakaroon ng saradong bakuran o pribadong patyo. Siguraduhing ilagay sa listing mo ang anumang feature at amenidad na mainam para sa alagang hayop.

Iba pang magagawa mo para gawing mainam para sa alagang hayop ang iyong listing:

  • I‑update ang mga alituntunin sa tuluyan mo. Ipaalam sa mga bisita kung ilang alagang hayop ang puwedeng isama sa pamamalagi mula isa hanggang lima. Sa mga alituntunin sa tuluyan mo, linawin ang mga bagay tulad ng mga uri ng alagang hayop na pinapatuloy mo, kung ayos lang na iwan nang walang bantay ang alagang hayop sa patuluyan mo, kung saang bahagi ng property hindi puwedeng papuntahin ang alagang hayop, kung kailan kailangang itali ang alagang hayop, at kung saan dapat itapon ang dumi ng alagang hayop.
  • I‑update ang guidebook mo. Maglagay ng mga rekomendasyon para sa mga lokal na dog park, beterinaryo, at bilihan ng pet supplies. Mainam ding magmungkahi ng mga serbisyo sa pag-aalaga ng hayop at kennel.

Pagbabalik ng nagastos para sa pinsalang dulot ng alagang hayop

Sagot ng mga bayarin sa paglilinis at bayarin para sa alagang hayop ang mga inaasahang gastusin. Gayunpaman, kahit na sinanay o mabait ang alagang hayop ng bisita, nagkakaroon pa rin paminsan‑minsan ng mga aksidente.

Para sa mga hindi inaasahang gastos na gaya ng kinalmot na upuan o mga mantsang dulot ng mga alagang hayop, may proteksyon sa pinsala para sa host na bahagi ng AirCover para sa mga Host. Siguraduhing kunan ng litrato ang anumang pinsala at humiling ng pagbabalik ng nagastos sa pamamagitan ng Resolution Center.

Mga Alituntunin para sa mga Gabay na Hayop at Hayop na Nagbibigay ng Emosyonal na Suporta

Mahalagang maunawaang hindi itinuturing na alagang hayop ang mga gabay na hayop. Tumutukoy ang gabay na hayop sa hayop na sinanay na kumilos o gumampan sa mga tungkulin para sa taong may kapansanan.

Ang hayop na nagbibigay ng emosyonal na suporta ay hayop na tumutulong sa isang tao na pangasiwaan ang mga sintomas o epekto ng kapansanan niya. Karaniwang mga hayop na inaalagaan sa sambahayan tulad ng mga aso o pusa ang mga hayop na nagbibigay ng emosyonal na suporta. Hindi tulad ng gabay na hayop, hindi kailangang sanayin ang hayop na nagbibigay ng emosyonal na suporta para kumilos o gumampan sa mga tungkulin para sa taong may kapansanan.

Kahit na wala kang alituntunin para sa alagang hayop, kailangang payagan mong sumama ang gabay na hayop sa amo nito maliban na lang kung binigyan ka ng exemption. Hindi mo rin puwedeng singilin ang bisita ng bayarin para sa alagang hayop.

Nalalapat din ang mga alituntuning ito sa mga bisitang may kasamang hayop na nagbibigay ng emosyonal na suporta sa anumang lugar kung saan iniaatas ng batas na patuluyin ng mga host ang mga hayop na nagbibigay ng emosyonal na suporta. Kung wala sa mga ganoong lugar ang listing mo, puwede kang sumingil ng bayarin para sa alagang hayop sa bisitang may kasamang hayop na nagbibigay ng emosyonal na suporta o magpatupad ng alituntuning nagbabawal sa alagang hayop sa kanila.

Matuto pa tungkol sa Patakaran sa Accessibility ng Airbnb

Hindi polisa ng insurance ang proteksyon sa pinsala para sa host at nalalapat dito ang mga tuntunin, kondisyon, at limitasyon na ito. Hindi nito pinoprotektahan ang mga host na nag‑aalok ng mga tuluyan sa Japan kung saan nalalapat ang Insurance para sa Host sa Japan o ang mga host na nag‑aalok ng mga tuluyan sa pamamagitan ng Airbnb Travel LLC. Para sa mga host na sa Australia nakatira o nakarehistro, nakadepende ang proteksyon sa pinsala para sa host sa Mga Tuntunin ng Proteksyon sa Pinsala para sa Host para sa mga User sa Australia. Tandaang nakasaad sa USD ang lahat ng limitasyon sa pagsaklaw.

Para sa mga listing sa estado ng Washington, saklaw ng polisa ng insurance na binili ng Airbnb ang mga obligasyon ng Airbnb ayon sa proteksyon sa pinsala para sa host. Hindi nauugnay sa insurance sa pananagutan para sa host ang proteksyon sa pinsala para sa host. Sa pamamagitan ng proteksyon sa pinsala para sa host, maibabalik ang nagastos mo sa mga partikular na pinsalang dulot ng mga bisita sa patuluyan at mga pag‑aari mo kung hindi nila babayaran ang mga pinsalang iyon.

Posibleng nagbago ang impormasyong nakasaad sa artikulong ito mula noong na-publish ito.

Airbnb
Nob 9, 2021
Nakatulong ba ito?