Mga tip sa pagho‑host ng bisitang may pangangailangan para sa accessibility
Gustong malaman ng mga bisitang may mga pangangailangan para sa accessibility na matutugunan ang mga iyon sa patuluyan bago sila mag‑book. Puwede nilang i‑filter ang mga resulta ng paghahanap sa Airbnb para hanapin ang mga partikular na feature tulad ng walang baitang na pasukan at paradahan para sa may kapansanan.
Itinatampok din sa kategoryang Iniangkop ang mga tuluyang nakumpirmang angkop para sa mga gumagamit ng wheelchair. Para maging kwalipikado, dapat na walang baitang ang pasukan ng patuluyan, may kahit isang kuwarto, at may mga pag‑aangkop sa banyo tulad ng hawakan o upuan sa shower.
Mahalagang magbigay ng malinaw at tumpak na impormasyon tungkol sa tuluyan mo. Narito ang ilang tip para sa pagbuo ng nakakaengganyong patuluyan na puwedeng i‑book nang may kumpiyansa ng mga bisitang may mga pangangailangan para sa accessibility.
Magdagdag ng mga accessibility feature sa listing mo
Narito ang ilang feature na puwedeng makatulong para mapansin ang patuluyan mo:
- Paradahan para sa may kapansanan
- Maliwanag na daanan papunta sa pasukan ng bisita
- Walang baitang na daanan papunta sa pasukan ng bisita
- Walang baitang na pasukan ng mga kuwarto
- Mga pasukang mas malawak sa 32 pulgada (81 sentimetro)
- Walang baitang na shower
- Mga hawakan sa toilet at/o shower
- Upuan sa shower o paliguan
- Ceiling o mobile hoist
- Hoist sa swimming pool o hot tub
Sinusuri ang lahat ng accessibility feature ayon sa mga alituntunin sa accessibility ng Airbnb bago ma‑publish sa listing mo ang mga ito. Kung hindi natutugunan ng isang feature ang mga alituntunin o hindi ito malinaw na itinatampok sa mga litrato, hihilingin namin sa iyong mag‑upload ng ibang litrato o alisin ang feature sa listing mo.
Kapag nagbahagi ng maraming litrato ng bawat kuwarto, matutulungan ang mga bisita na tukuyin kung natutugunan ng tuluyan mo ang mga pangangailangan nila.
Sumulat ng mapaglarawang caption para sa bawat litrato. Halimbawa, para sa litrato ng banyo, puwedeng maglagay ng ganitong detalye: “Ito lang ang banyo sa tuluyan na walang baitang ang pasukan. May mga nakakabit na hawakan sa toilet at shower.”
Kumuha ng litrato mula sa iba't ibang anggulo. Halimbawa, puwedeng itampok ng mga litrato ng banyo kung nasaan ang bawat hawakan at ang malawak at patag na sahig papunta sa toilet at shower.
Matuto pa tungkol sa pagkuha ng litrato ng mga accessibility feature
Iparamdam sa mga bisita na malugod silang tinatanggap
Makipag‑ugnayan sa mga bisita kapag nagpadala sila ng mensahe sa iyo tungkol sa mga accessibility feature sa tuluyan mo. Malaki ang maitutulong ng pagtatanong at pagsagot ng kahit ilang bagay lang.
Puwedeng simulan ang usapan sa ganitong paraan:
- May mga partikular na tanong ka ba tungkol sa tuluyan?
- May magagawa ba ako para gawing mas komportable ang pamamalagi mo?
Sikaping mapaunlakan ang mga makatuwirang kahilingan tulad ng pagpapadaling makagalaw‑galaw sa patuluyan mo. Pag‑isipan kung magiging mas komportable ang mga bisita kapag gumawa ka ng maliliit na pagbabago. Narito ang ilang ideya:
- Iurong ang mga muwebles para maging mas malawak ang daanan sa pagitan ng mga kuwarto at bahagi ng tuluyan.
- Ilagay ang mga gamit sa bahay tulad ng mga tuwalya at pinggan kung saan mas madaling maaabot ang mga ito.
- Siguraduhing walang nakaharang sa mga saksakan.
Tandaang hindi lahat ng patuluyan ay mainam para sa lahat ng bisita, may mga pangangailangan para sa accessibility man sila o wala. Gayunpaman, ayon sa Patakaran Laban sa Diskriminasyon, hindi ka puwedeng tumanggi sa pagpapareserba dahil lang may kapansanan ang isang tao. Hindi ka rin puwedeng maningil ng bayarin para sa alagang hayop para sa mga gabay na hayop dahil hindi itinuturing na alagang hayop ang mga iyon.
Gumawa ng ingklusibong guidebook
Magbahagi ng mga tip ng lokal sa guidebook para maitampok ang hospitalidad at lungsod mo. Puwede kang maglagay ng mga rekomendasyon sa pagkain, pamamasyal, at mga aktibidad.
Kapag ginagawa mo ang guidebook, pag‑isipan kung ano ang maaaring hanapin ng mga biyaherong may mga pangangailangan para sa accessibility. Halimbawa, puwede mong tukuyin ang mga restawran na may ramp, walking trail na may nakasementong daanan, at pasyalang may accessible na upuan. Puwede ka ring magbahagi ng impormasyon tungkol sa pampublikong transportasyon.
Posibleng nagbago ang impormasyong nakasaad sa artikulong ito mula noong na‑publish ito.