Pagkuha ng litrato ng mga accessibility feature
Gustong malaman ng mga bisita kung makakagalaw sila nang ligtas at komportable sa isang tuluyan bago sila mag‑book. Makakatulong ang pagtatampok ng mga malinaw at detalyadong litrato ng mga accessibility feature para mapagpasyahan ng mga bisita kung natutugunan ng patuluyan mo ang mga partikular na pangangailangan nila.
“Alam ko na mula sa isang litrato pa lang kung magiging angkop para sa akin ang isang tuluyan,” sabi ni George na bisitang gumagamit ng wheelchair. “O tipong, ‘Pasensya na, puwede bang iurong ang mesang iyon?’ At puwede na kapag ginawa iyon.”
Sinusuri ng Airbnb ang lahat ng accessibility feature at litrato bago itampok ang mga ito sa seksyong Mga Accessibility Feature ng isang listing. Hiwalay iyon sa gallery ng larawan o photo tour.
Mga pangkalahatang alituntunin
Sundin ang mga alituntuning ito sa pagdaragdag ng mga accessibility feature sa listing mo. Kung may litratong hindi nakakatugon sa partikular na pamantayan, puwede naming hilingin sa iyo na mag‑upload ng ibang litrato o alisin sa listing mo ang feature.
- Magbigay ng kahit man lang isang litrato ng bawat accessibility feature sa tuluyan mo.
- Maglatag ng tape measure sa mga litrato para ihayag ang mga dimensyon tulad ng lapad ng hamba ng pinto at taas ng countertop.
- Mag‑upload ng ilang litrato ng bawat feature mula sa iba't ibang anggulo para mas maunawaan ng mga bisita ang mga kuwarto o bahagi ng tuluyan.
- Magsulat ng mapaglarawang caption para linawin ang mga accessibility feature sa mga kuwarto at bahagi ng tuluyan. Halimbawa, idetalye ang mga ilaw.
- Ipaalam sa mga bisita kung accesssible ang mga partikular na bahagi ng tuluyan. Halimbawa, “Ito lang ang banyo sa bahay na walang baitang ang daanan, may malawak na pasukan, at may mga hawakan.”
Mga tip sa pagkuha ng litrato
Subukan ang mga tip na ito sa pagkuha ng litrato ng mga accessibility feature sa tuluyan mo.
Walang baitang na daanan papunta sa tuluyan
Itampok na walang baitang, hagdan, o hahakbangan na mas mataas sa 2 pulgada (5 sentimetro) sa pasukan ng tuluyan o sa daanan papunta rito. Kasama rito ang mga bangketa sa labas, pasilyo, elevator, at iba pang feature na kakailanganing gamitin ng mga bisita para makapasok.
- Buksan ang lahat ng pinto at gate na madadaanan papunta sa pasukan ng tuluyan. Kung walang baitang sa daanan at may nabibitbit na ramp o may ramp sa bungad ng pinto, siguraduhing nakapuwesto ang mga iyon.
- Magsimula kung saan papasok o paparada ang mga bisita at kunan ang bawat 10 talampakan (3 metro) ng daanan papunta sa pasukan. Bahagyang itutok pababa ang camera para maitampok ang ibabaw ng daanan.
- Kumuha ng hiwalay na litrato ng pasukan mula sa labas. Umatras nang kahit man lang 8 talampakan (2.4 na metro) para kunan ng litrato ang bukas na pinto at itampok ang magkabilang gilid ng pasukan.
Walang baitang na pasukan ng kuwarto
Ihayag kung aling mga kuwarto at bahagi ng tuluyan ang mapupuntahan nang walang baitang, dugtungan, o hakbangan na mas mataas sa 2 pulgada (5 sentimetro). Kunan ng litrato ang mga bahagi sa loob at labas ng tuluyan, kabilang ang mga deck, balkonahe, at patyo.
- Buksan nang ganap ang pinto para kunan nang malapitan ang pasukan. Bahagyang itutok sa sahig ang camera para makunan ang magkabilang gilid ng dadaanang dugtungan ng hamba at sahig.
- Umatras nang kahit man lang 5 talampakan (1.5 na metro) para kunan ng litrato ang pasukan ng kuwarto mula sa labas.
- Ulitin ito at kumuha ng katulad na litrato mula sa loob ng kuwarto.
- Kung maraming pasukan ang kuwarto, kunan ng litrato ang bawat isa.
- Kumuha ng mga karagdagang litrato para itampok ang daanan papunta sa pangunahing pinto ng kuwartong iyon.
Malalapad na pasukan
Itampok kung aling mga pintuan sa tuluyan mo ang 32 pulgada (81 sentimetro) o higit pa ang lawak. Kapag alam ng mga bisita ang eksaktong lawak ng pintuan sa harap at iba pang pasukan, mapagpapasyahan nila kung magagamit nila ang wheelchair o mobility device nila sa tuluyan.
- Buksan nang todo ang pinto. Maglatag ng measuring tape sa buong lawak ng hamba. Siguraduhing malinaw na nababasa ang magkabilang dulo ng measuring tape at ang mga numero.
- Kumuha ng kahit dalawang litrato lang: isang litrato ng pintuan na may measuring tape sa lawak ng hamba, at isang malapitang litrato ng sukat para mas madali itong mabasa.
“Kung alam ko ang sukat ng pintuan, alam ko kung magkakasya nang maayos ang wheelchair ko,” sabi ni George.
Mga feature sa banyo
Itampok ang mga feature na makakatulong sa mga bisita na gumalaw‑galaw sa banyo kabilang ang walang baitang na shower, mga hawakan sa toilet at shower, at upuan sa shower o paliguan. Magsama ng mga litratong nagtatampok sa buong banyo at shower at mga mas malapitang litrato ng mga partikular na feature na naroon.
- Walang baitang na shower: Buksan ang kurtina o mga pinto. Bahagyang itutok sa sahig ang camera para itampok na walang hakbangan o pangharang sa tubig na mas mataas sa 1 pulgada (2.5 na sentimetro).
- Mga hawakan: Malinaw na itampok kung nasaan ang mga hawakan sa shower at malapit sa inodoro. Kumuha ng mga hiwalay na litrato ng bawat isa kahit nasa mas malalawak na litrato na ng banyo ang mga ito.
- Upuan sa shower o paliguan: Itampok ang buong upuan sa loob ng shower o paliguan para malaman kung nakakabit ito sa pader o hindi.
Paradahan para sa may kapansanan
Itampok ang pribadong paradahan para sa iisang sasakyan na hindi bababa sa 11 talampakan (3.35 na metro) ang lapad o pampublikong paradahang nakatalaga para sa taong may kapansanan.
- Pribadong paradahan: Kunin ang litrato mula sa malayo nang may kotseng nakaparada sa tabi ng paradahan ng bisita para sa paghahambing. O kaya ay gumamit ng measuring tape para kumpirmahin ang lapad ng paradahan.
- Pampublikong paradahan: Kunan ang mga karatula at marka sa kalye na tumutukoy na nakalaan para sa mga taong may kapansanan ang paradahan.
Maliwanag na daanan papunta sa pasukan ng bisita
Itampok na sapat ang ilaw sa daanan o bangketa papunta sa pasukan ng bisita kapag madilim.
- I‑on ang lahat ng ilaw sa labas na para sa daanan.
- I‑off ang anumang ilaw sa loob na posibleng makasapaw sa ilaw sa labas.
- Siguraduhing itinatampok ng mga litrato kung nasaan sa daanan ang mga ilaw sa labas.
Mga hoist
Itampok ang anumang de‑motor o mano‑manong device sa tuluyan mo na partikular na idinisenyo para buhatin ang mga bisita mula at patungo sa wheelchair, swimming pool, o hot tub.
- Isama sa litrato ng hoist ang lahat ng detalyeng makakayanang kunan at itampok kung nakakabit ito sa kisame o hindi.
- Kumuha ng mas malayuang litrato na nagtatampok ng puwesto nito sa tabi ng higaan, toilet, pool, o hot tub.
- Kunan ang espasyo sa paligid para masuri ang laki at posisyon nito kapag ginagamit.
Matuto pa tungkol sa mga kinakailangan para sa pagdaradag ng mga accessibility feature sa listing.
Posibleng nagbago ang impormasyong nakasaad sa artikulong ito mula noong na‑publish ito.