Mga ingklusibong kasanayan para matulungan ang bawat bisita na maramdamang malugod silang tinatanggap
Nangangahulugan ang pagho-host sa Airbnb ng pagbubukas ng iyong tuluyan sa mga taong mula sa iba't ibang panig ng mundo, at pundasyon sa pagho-host ang pagiging ingklusibo.
Susi sa pagiging matagumpay na host ang pag-unawa kung paano makakatulong na gawing komportable at parang nasa sariling tahanan nila ang mga tao mula sa lahat ng pinagmulan. Bilang komunidad, layunin nating tanggapin ang lahat ng bisita, anuman ang kanilang lahi, relihiyon, bansang pinagmulan, etnisidad, kapansanan, sex, kinikilalang kasarian, seksuwal na oryentasyon, o edad, nang may paggalang at nang walang panghuhusga o kinikilingan.
Napakahalagang bahagi ng pagiging matagumpay na host ang ingklusibong hospitalidad. Narito ang ibig sabihin nito:
Handang tumanggap at magiliw sa lahat ng bisita mula sa iba't ibang pinagmulan
Pagbibigay ng marapat na karanasan at pag-aasikaso sa mga pangangailangan ng mga bisita
Pagbuo ng koneksyon sa pagitan ng mga pagkakaiba at pagkakapareho
Pagkakaroon ng bukas na pananaw at kahandaang magtanong para malaman kung ano ang posibleng kailanganin ng mga bisita para sa pamamalagi nila
Nagtipon ang Airbnb ng mga pananaw ng mga host, bisita, at eksperto para magkaroon ng mga ingklusibong kasanayan sa mga gawain mo sa pagho-host at makapag‑alok ka ng magiliw na hospitalidad sa lahat ng bisita. Mula sa pagse‑set up ng listing mo hanggang sa pagbibigay ng mga review, makakatulong ang mga inirerekomendang aksyon na ito na mabawasan ang hindi sinasadyang pagkiling at magkaroon ng pagkakataon para sa koneksyon.
Bago ang booking: Lumikha ng ingklusibong listing
Sa pamamagitan ng pagbibigay-linaw na tinatanggap mo ang mga tao mula sa iba't ibang pinagmulan, matutulungan mo ang mga bisita mula sa mga komunidad na matagal nang nasa laylayan ng lipunan na maging komportable at mahikayat na i-book ang tuluyan mo. Nalaman namin sa pakikipag‑usap sa mga bisita na naghahanap ang mga taong mula sa mga ganitong komunidad ng mga palatandaan ng pagiging ingklusibo sa mga listing bago mag‑book.
Narito ang ilang puwede mong gawin para ipahiwatig na ingklusibong host ka:
Linawin sa mga unang pangungusap ng paglalarawan ng listing mo na malugod mong tinatanggap ang mga tao mula sa lahat ng pinagmulan (mga halimbawa sa ibaba).
Tumpak na ilarawan ang mga accessibility feature ng property mo at i‑update ang mga litrato nito.
Gumamit ng wikang angkop sa kasarian at seksuwal na oryentasyon (halimbawa ang paggamit ng angkop na panghalip sa English tulad ng she/her, he/him) sa profile mo. Sa pamamagitan nito, maipapaalam mo kung paano mo gustong matawag at maipaparating mo na mahalaga para sa iyong gamitin ang mga ginagamit na panghalip ng mga bisita mo.
I‑on ang Madaliang Pag‑book para ma‑book ng mga bisita ang listing mo nang hindi na kailangang paunang aprubahan. Ipinaparating din nitong hino‑host mo ang kahit na sinong nakakatugon sa itinakda mong mga pamantayan sa pagbu‑book.
Mag-alok ng mga paunang pag-apruba at panghihikayat sa mga bisitang makikipag-ugnayan sa iyo bago mag-book. Nalaman naming nakikipag‑ugnayan minsan ang mga bisita sa mga host bago mag‑book para mataya kung tatanggapin at malugod silang papatuluyin.
Bago tanggihan ang kahilingan sa pag-book ng bisita, pag-isipang mabuti ang dahilan mo. Komportable mo bang maipapaliwanag iyon sa bisita mo kung harapan mo iyong gagawin?
Puwede mong subukang gamitin din ang mga ingklusibong pahayag ng ibang host sa mga listing nila. Kinausap namin ang mga miyembro ng Host Advisory Board para makuha ang mga halimbawang ito:
Isinulat ni Peter ng San Francisco: “Ligtas na lugar ang tahanan ko para sa mga tao mula sa lahat ng grupong minorya at nasa laylayan ng lipunan. Malugod kong tinatanggap ang mga bisita, anuman ang kanilang lahi, pananampalataya, kasarian, at seksuwal na oryentasyon.”
“Itinatampok sa pangalawang litrato sa listing ko ang monumento na nagsasabing, ‘Tanggap ka,’” sabi ni Shinya ng Osaka, Japan. Naglagay rin si Shinya ng litratong nagsasabing “Iginagalang ko ang dibersidad at ingklusyon,” bilang pahayag ng intensyon. Puwede mo ring isulat iyon sa caption.
Bago ang pagdating: Iparamdam sa bawat bisita na tanggap sila
Kapag na-book na ang tuluyan mo, magpadala ng mainit at magiliw na mensahe sa mga bisita mo. May malaking epekto ang pagpaparamdam ng malasakit at pag‑iwas sa pag‑iisip ng mga haka‑haka.
Gawing personal ang pambungad na mensahe mo gamit ang impormasyon mula sa profile ng bisita mo. Puwedeng kabilang dito ang mga tanong tungkol sa kanilang mga interes, bayang kinagisnan, at mga hobby.
Gumamit ng wika na hindi ayon sa kasarian at oryentasyon kapag tinutukoy ang mga bisita mo. Pinakamainam na iwasang ipagpalagay ang kasarian o katayuan sa relasyon ng isang tao.
Kung magtatanong ang bisita tungkol sa mga pangangailangan sa accessibility, tiyaking sagutin ang mga tanong niya at magtanong kung ano pa ang posibleng kailanganin niya.
Kung kailangan mo ng inspirasyon, sundin ang mga halimbawa mula sa mga mensahe ng ibang host sa mga bisita. Narito ang dalawang halimbawa:
Sabi ni Michael Falcarragh ng Ireland, priyoridad niya ang pakikisundo at pakikisama sa bisita sa simula pa lang. “Palagi kong pinapasalamatan ang mga bisita sa paghiling nilang mamalagi sa aming listing,” sabi niya. “Pagkatapos, sinasabi kong makikipag‑ugnayan ako sa kanila kapag malapit na ang pamamalagi nila, binabati ko sila ng magandang araw, at [sinasabi ko sa kanila na] kung may anumang kailangan sila sa ngayon, huwag silang mahihiyang lumapit sa akin.”
Isinulat ni Susan ng Denver: “Ang tahanan namin ay tahanan mo rin. Maging komportable lang. Huwag mahihiyang kumilos na parang nasa sarili mong bahay ka. Ipaalam sa amin kung may mga ideya ka para mapaganda pa ang karanasan ng bisita.”
Pagkatapos ng pag-check in: Tiyaking komportable ang mga bisita
Ibinahagi ng mga bisita—lalo na ng mga matagal nang nasa laylayan ng lipunan—na maipaparamdam sa kanila ng mga bagay na ito ang bukas na pagtanggap:
- I-enable ang sariling pag-check in kung puwede, pero tanungin ang mga bisita mo kung mas gusto nila ang pag-check in nang personal.
- Huwag puntahan ang mga bisita nang hindi kinakailangan. Sa halip, bigyan sila ng privacy at linawin na maaabot ka nila (nang personal o virtual) kung may kailangan sila.
Pagkatapos mag-check out: Magbigay ng review sa mga bisita nang walang kinikilingan
Pundasyon ng pinagkakatiwalaang komunidad ng Airbnb ang mga review. Ang pagbibigay ng review sa iyong mga bisita ay pagkakataong ipabatid ang pasasalamat mo at makapagbigay ng kapaki-pakinabang na feedback.
Gumamit ng iisang pamantayan para sa lahat ng bisita.
Mag-host ng mga bisita na bago sa Airbnb kung kaya mo, at bigyan sila ng review pagkatapos ng pamamalagi nila. Malaki ang maitutulong ng pagbibigay ng review para sa pagbu‑book sa hinaharap ng mga bisita.
Hikayatin ang mga bisita na magbigay ng mga review. Nalaman namin na madalas na nagbabasa ng mga review ang mga biyahero mula sa mga komunidad na matagal nang nasa laylayan ng lipunan para malaman kung naramdaman ng iba pang bisitang tulad nila na malugod silang tinatanggap.
Tiyaking sinusunod mo ang mga ingklusibong kasanayang ito, lalo na kung bago ka sa pagho‑host. Tandaang pinakamahalaga sa malugod na pagtanggap sa lahat ng bisita ang pagtatanong tungkol sa mga pangangailangan nila at pagpapanatiling bukas ang mga paraan ng pakikipag‑ugnayan.
Puwede kang maging bukas sa pagtanggap sa lahat sa simpleng pagtatanong sa mga bisita ng “Ano ang kailangan mo para maging komportable at maramdamang malugod kang tinatanggap sa patuluyan ko?” Sa pamamagitan noon, maaaring mas madaling mahikayat ang mga bisita na tanggapin ang iniaalok mo at magkaroon ng magandang karanasan sa pamamalagi sa iyong patuluyan.