Gumamit ng mga mabilisang tugon para makatipid sa oras
Kadalasang magkakatulad ang tanong ng iba't ibang bisita sa host: Available ba ang tuluyan sa Hunyo? Puwede bang makahingi ng mga direksyon? Ano ang password ng wifi?
Puwede kang maghanda ng iisang sagot gamit ang mga mabilisang tugon sa tab na Mga Mensahe para laging makatugon nang mabilis.
Ano ang mabilisang tugon?
Tumutukoy ang mabilisang tugon sa maikling nakasulat nang mensahe na naka‑save bilang template sa mga setting ng pagpapadala ng mensahe.
Sa pamamagitan ng mga placeholder para sa mga detalye, tulad ng pangalan ng bisita, maiaangkop ang bawat mensahe gamit ang impormasyong kukunin sa listing o reserbasyon.
Gumawa ng sarili mong mga mabilisang tugon o i-edit ang mga template ng Airbnb. Halimbawa, kung madalas kang sumagot ng mga tanong tungkol sa ihawan mo sa labas, subukang i‑save bilang mabilisang tugon ang karaniwang sagot mo.
Puwede kang magpadala kaagad ng mga mabilisang tugon o iiskedyul ang mga ito para awtomatikong ipadala sa ibang pagkakataon.
Paano ako makakapagpadala ng mabilisang tugon?
Para makapagpadala kaagad ng mabilisang tugon sa bisita:
- Pumunta sa tab na Mga Mensahe.
- Piliin ang pag‑uusap kung saan mo gustong sumagot.
- I‑tap ang plus sign (+) sa tabi ng Sumulat ng mensahe.
- Piliin ang Magpadala ng mabilisang tugon.
- Pumili ng mabilisang tugon. Lalabas ito sa pag‑uusap.
- I‑edit ang mensahe o ipadala iyon nang walang binabago.
- I‑tap ang arrow (↑) para ipadala ang mensahe.
May mga iminumungkahing tugon din sa tab na Mga Mensahe. Gumagamit ang mga iyon ng artificial intelligence para maintindihan ang tanong ng bisita at makapagmungkahi ng mabilisang tugon mo para sagutin iyon. Lalabas sa pag‑uusap ang iminumungkahing tugon. Sa iyo lang iyon ipapakita. Puwede mong i‑edit ang iminumungkahing tugon bago mo iyon ipadala. Puwede ka ring sumulat ng ibang tugon.
Paano ako makakapag‑iskedyul ng mabilisang tugon?
Para awtomatikong makapagpadala ng mabilisang tugon sa lahat ng bisita:
- Pumunta sa tab na Mga Mensahe.
- I‑tap ang icon ng mga setting sa itaas ng screen mo.
- I‑tap ang Pangasiwaan ang mga mabilisang tugon.
- Piliin ang mabilisang tugon na gusto mong iiskedyul at i‑tap ang Susunod.
- I‑tap ang Iiskedyul para sa at piliin kung kailan mo gustong matanggap ng mga bisita ang mensahe. Halimbawa, limang minuto pagkatapos mag‑book ng bisita o isang araw bago mag-check in ng 10:00 AM.
May lalabas na paalala sa pag‑uusap ninyo ng bisita kapag malapit nang ipadala ang nakaiskedyul na mabilisang tugon. Isaayos o laktawan ang pagpapadala ng mensahe kung uulitin lang niyon ang impormasyong naibahagi mo na.
Mga tip para sa paggamit ng mabilisang tugon
Pinakamainam ang mabilisang tugon kapag maikli at nakatuon sa iisang paksa. Makakahanap ka ng mga nakahanda nang template sa tab na Mga Mensahe para sa mga karaniwang paksa tulad ng mga ito.
- Availability ng listing: Ipaalam sa mga bisita na puwede silang mag‑book ng anumang available na petsa sa kalendaryo mo.
- Detalye ng tulugan: Kumpirmahin ang bilang ng mga kuwarto, higaan, at banyo na iniaalok ng patuluyan mo.
- Maagang pag‑check in: Tanggapin ang kahilingan ng bisita para sa pagdating nang mas maaga sa itinakda mong karaniwang oras ng pag‑check in.
- Mga direksyon at transportasyon: Kumpirmahin ang address ng tuluyan at magbigay ng mga tagubilin kung paano makapunta roon.
- Wifi: Ilagay ang wifi network at password sa tuluyan o lokasyon mo.
- Late na pag‑check out: Tanggapin ang kahilingan ng bisita para sa pag‑alis nang lagpas sa itinakda mong karaniwang oras ng pag‑check out.
Puwede kang mag-angkop ng nakasulat nang template bago mo ito ipadala. Puwede ka ring gumawa ng sarili mong template. Subukang mag‑iskedyul ng mga mabilisang tugon sa mahahalagang sandali tulad ng mga ito.
- Kumpirmasyon ng booking: Magpadala ng pambungad na mensahe kapag nakumpirma na ang booking ng bisita.
- Bago ang pag‑check in: Mag‑follow up 24 hanggang 48 oras bago ang pag‑check in, kapag naging available ang lahat ng detalye ng biyahe nila.
- Pagkalipas ng unang gabi: Makipag‑ugnayan at magtanong kung may kailangan sila para maging mas komportable ang pamamalagi nila.
- Bago ang pag‑check out: Ibahagi ang oras ng pag‑check out at mga tagubilin sa pag‑check out kinagabihan bago ang takdang pag‑alis ng mga bisita.
- Pagkaalis: Pasalamatan ang mga bisita para sa pamamalagi sa patuluyan mo at humiling ng feedback 24 hanggang 48 oras pagkatapos nilang mag‑check out.
Kapag nagdagdag ka ng mga litrato o video sa mga mabilisang tugon, mas madali kang makakapagpakilala at makakapagbahagi ng mahahalagang detalye tungkol sa patuluyan mo. Halimbawa, kapag may biswal na gabay, mas madali para sa mga bisita na makapasok, ayusin ang aircon o heater, o i‑on at i‑off ang hot tub.
Kapag nakumpirma na ang mga booking, makakapaglakip ka na ng mga file sa mga mensahe. Magpadala ng mga litratong PNG o JPG (hanggang 50 megabyte) at mga video na MP4 o MOV (hanggang 100 megabyte at 60 segundo).
Posibleng mag‑iba ang karanasan ng user depende sa lokasyon. Posibleng nagbago ang impormasyong nakasaad sa artikulong ito mula noong na‑publish ito.
