Paggamit ng mga tool para sa pagtatakda ng presyo ng Airbnb
Pinapadali ng mga tool ng Airbnb na makapag-adjust ka ng presyo at makasabay sa kompetisyon. Nasa kalendaryo mo ang mga ito.
Kadalasan, magkasamang ginagamit ang mga tool para sa pagtatakda ng presyo at setting ng availability. Halimbawa, kung gusto mong mag-alok ng mga buwanang diskuwento, kakailanganin mong pahintulutan ang mas matatagal na pamamalagi.
Pag‑adjust ng presyo
Makakatulong ang regular na pagsuri at pagsasaayos sa presyo para makasabay sa kompetisyon at makamit ang inaasahan mong kita. Isaalang-alang ang mga tip ng Airbnb sa presyo kapag nag-e-edit ng presyo.
- Batayang presyo: Ito ang default na presyo para sa lahat ng gabi sa kalendaryo mo. Pumunta sa mga setting ng presyo para ma-update ito. Makakapaghambing ka ng mga katulad na listing para masuri ang average na presyo ng mga na-book at hindi na-book na tuluyan sa mapa ng lugar mo.
- Presyo para sa weekend: Puwede kang magdagdag ng premium sa batayang presyo para sa Biyernes at Sabado ng gabi sa mga setting ng presyo. Masusulit ang mga booking kung iba ang presyong nakatakda batay sa araw.
- Iniangkop na presyo: Pumili ng anumang gabi o mga gabi sa kalendaryo para i-edit ang presyo. I-tap ang wand sa itaas ng kalendaryo para ipakita o itago ang mga tip sa presyo kada gabi na posibleng lumabas sa ilalim ng iniangkop na presyo para sa bawat gabi.
I-on ang Smart Pricing sa mga setting ng presyo para awtomatikong i-adjust ang presyo. Gumagamit ang tool na ito ng mga salik gaya ng lokasyon, mga amenidad, mga nakaraang booking, at mga pinakahuling presyo sa lugar mo para magtakda ng presyo kada gabi. Ikaw ang maglalagay ng hanay ng presyo. Puwede mo itong i‑on o i‑off para sa mga partikular na petsa. Walang lalabas na tip sa presyo kada gabi o mga katulad na listing kung gagamitin mo ang Smart Pricing.
Paglalagay ng mga diskuwento at promo
Makakatulong ang mga promo at diskuwento na tumaas ang ranking ng listing mo kapag hinanap ito ng mga bisita. May apat na diskuwentong available sa mga setting ng presyo.
- Lingguhan: Mag-alok ng diskuwento para sa mga pamamalaging pitong gabi o mas matagal para mas mabilis na mapuno ang kalendaryo at mabawasan ang pagpapalit ng bisita.
- Buwanan: Mag-alok ng diskuwento para sa mga pamamalaging 28 gabi o mas matagal para makatulong na mapahaba ang average na tagal ng mga pamamalagi sa mga listing mo at mabawasan ang mga pagpapalit ng bisita.
- Maagang pagbu‑book: Bawasan ang presyo para sa mga booking na maaga nang isa hanggang 24 na buwan para mahikayat ang mga bisitang maagang magplano.
- Pahabol na pagbu‑book: Bawasan ang presyo para sa mga booking na gagawin nang isa hanggang 28 araw bago ang pag‑check in para mapuno ang kalendaryo.
Puwede kang magtakda ng mga diskuwento sa mga partikular na petsa. Pumili ng anumang petsa sa kalendaryo para magbukas ng mga iniangkop na setting at magdagdag ng diskuwento sa mga petsang iyon.
Para sa mga bisita, may lalabas na espesyal na callout sa mga resulta ng paghahanap at sa page ng listing mo para sa lingguhan at buwanang diskuwento na 10% pataas. Isasaad ang presyong may diskuwento sa tabi ng orihinal na itinakda mong presyo na naka‑strikethrough.
Isa pang paraan ang pagtatakda ng mga pansamantalang promo para maparami ang nagbu‑book kahit hindi mo baguhin ang batayang presyo. Depende sa pagiging kwalipikado mo, puwede kang makapagtakda ng hanggang dalawang uri ng promo.
- Promo para sa bagong listing: Mag‑alok ng 20% diskuwento sa unang 3 booking para makahikayat ng mga bisita at review.
- Iniangkop na promo: Piliin ang mga petsa at diskuwentong gusto mong ialok. May mga naaangkop na rekisito.
Para sa mga bisita, may lalabas na espesyal na callout sa mga resulta ng paghahanap at sa page ng listing mo kapag nag-alok ka ng promo sa bagong listing o iniangkop na promo na 15% pataas.
Tungkol sa mga opsyonal na bayarin
May 3 bayarin na puwede mong idagdag sa presyo. Tandaang mapapataas ng mga bayarin ang kabuuang presyo at posibleng magdalawang-isip ang mga bisita na mag‑book. Posibleng lumiit ang kita mo dahil dito.
- Bayarin sa paglilinis: Puwede kang magdagdag ng karaniwang bayarin at bayarin sa panandaliang pamamalagi para sa 1 hanggang 2 gabi.
- Bayarin para sa alagang hayop: Sisingilin mo ang bayaring ito kada alagang hayop, kada gabi, o kada pamamalagi. Ayon sa Patakaran sa Accessibility ng Airbnb, hindi ka puwedeng maningil para sa gabay na hayop.
- Bayarin para sa dagdag na bisita: Para sa bawat bisitang lalampas sa bilang na itatakda mo, puwede kang magdagdag ng bayarin kada gabi. Halimbawa, puwede mong singilin ng nakatakdang presyo kada gabi ang anim na bisita, pero maniningil ka ng dagdag na USD10 kada gabi para sa bawat dagdag na bisita hanggang sa maximum na bilang ng bisita.
Siguraduhing isaalang-alang ang mga offline na bayarin sa itatakdang presyo, gaya ng mga bayarin sa utility at resort. Posibleng makaapekto sa kabuuang presyo ang mga ito.
Ikaw lagi ang bahala sa presyo at iba pang setting mo. Posibleng maiba ang resulta para sa iyo.
Posibleng nagbago ang impormasyong nakasaad sa artikulong ito mula noong na‑publish ito.