Mga tip para gawing mas sustainable ang mga pamamalagi ng bisita
Kapag naglagay ka sa patuluyan mo ng mga supply at amenidad na mabuti sa kapaligiran, mababawasan ang carbon footprint mo at mamumukod‑tangi ang listing mo. Halimbawa, puwedeng i-filter ng mga bisita ang mga tuluyang may charger ng sasakyang de-kuryente sa mga resulta ng paghahanap. Kasalukuyang kabilang ito sa 25 nangungunang amenidad sa Airbnb.*
Hindi lahat ng host ay makakapag‑install ng EV charger, pero may iba pang paraan para mas makapag‑host nang sustainable. “Malaki ang maitutulong ng mga munting aksyon tulad ng paggamit ng mga nare-refill, pagreresiklo, o pagtitipid ng kuryente,” sabi ni Patricia na Superhost sa Manila sa Pilipinas.
Mga supply para sa bahay
Puwedeng mabawasan ang basura sa tulong ng mga simpleng pagbabago. Subukan ang mga tip na ito:
- Gumamit ng mga lalagyang puwedeng i-refill. Palitan ang mga pang-isahang gamit na lalagyan ng shampoo, conditioner, body wash, at sabon ng mga lalagyang puwedeng i-refill para mabawasan ang mga produktong nakalagay sa plastik. Itinigil ni Anika, isang Superhost sa Longmont, Colorado, ang paggamit ng mga lalagyang plastik na pang-isahang gamit at “natutuwa ang mga bisita” ayon sa kanya.
- Mag‑alok ng mga produktong papel na mabuti sa kapaligiran. Pumili ng mga alternatibong supply na 100% niresiklo o gawa sa halaman para sa mga tuwalya at tisyu. Nagsa-stock si Christina, isang Superhost sa Naperville, Illinois, ng toilet paper na gawa sa kawayan.
- Bawasan ang paggamit ng matatapang na kemikal. Bumili ng sabong panghugas ng pinggan, sabong panlaba, at mga panlinis na natural, nabubulok, o hindi nakakalason.
- Pasimplehin ang pagreresiklo para sa mga bisita. Iba-iba ang mga regulasyon sa basura, kaya linawin ang mga lokal na alituntunin. Naglalagay si Cynthia, isang Superhost sa Bellingham, Washington, ng mga naka-laminate na tagubilin sa pagreresiklo sa iba't ibang bahagi ng patuluyan niya at sa itaas ng mga basurahan sa carport.
Mga amenidad para sa bisita
Puwede kang magdagdag ng mga amenidad tulad ng EV charger sa tab na Mga Listing at i‑update ang paglalarawan at mga caption ng litrato para itampok ang iniaalok mo. Narito ang ilang paraan para matulungan ang mga bisita na bumiyahe nang mas sustainable:
- Mag‑install ng EV plug‑in. Lumampas sa 17 milyon ang mga benta ng de‑kuryenteng sasakyan sa buong mundo noong 2024. Mas mataas ito nang 25% kumpara sa nakaraang taon.** Naglagay si Greystone, isang Superhost sa Lake Placid, New York, ng EV charger sa garahe niya noong 2020. “Hindi namin alam kung sino ang pumipili sa listing namin batay sa pamantayang ito,” sabi niya, “pero napapansin naming dumarami ang mga EV sa property namin sa paglipas ng panahon.”
- Magpahiram ng bisikleta. Magpahiram ng bisikleta at helmet para mahikayat ang mga bisita na bawasan ang pagmamaneho. Puwede ring magrekomenda ng lokal na tindahan na marerentahan ng mga ito.
- Magbigay ng mga lalagyan ng tubig na mare-refill. Kung ligtas inumin ang tubig sa gripo ng patuluyan mo, maglagay ng karatula o magpadala ng mensahe para ipaalam iyon sa mga bisita. “Magbigay ng mga alternatibong lalagyan na mare-refill gaya ng mga bote para mabawasan ang paggamit ng mga plastik na lalagyan na pang‑isahang gamit,” sabi ni Robert na Superhost sa San Diego, California.
- Magbahagi ng mga tip. Pag-isipang maglagay ng mga tip sa pagtitipid ng kuryente, paalala sa pagtitipid ng tubig, at mga aktibidad sa lugar na mabuti sa kapaligiran sa manwal ng tuluyan o guidebook mo. “Bigyan ng kakayahan ang mga bisita na magdesisyon batay sa impormasyon,” sabi ni Robert.
*Ayon sa internal na datos ng Airbnb na sumusukat sa mga amenidad na pinakamadalas hanapin ng mga bisita sa iba't ibang panig ng mundo mula Enero 1 hanggang Disyembre 31, 2024.
**Batay sa ulat ng Global EV Outlook 2025 mula sa International Energy Agency
Posibleng nagbago na ang impormasyong nakasaad sa artikulong ito mula noong na‑publish ito.
