Anim na paraan para paghandaan ang panahong mababa ang demand

Subukang mag‑alok ng diskuwento, promo, at mas maiikling pamamalagi para ma‑book ang mga gabi sa kalendaryo mo.
Ni Airbnb noong Nob 11, 2024
Na-update noong Nob 11, 2024

Handa ka na ba sa pagbaba ng demand sa lugar mo? Narito ang anim na paraan para gamitin ang mga tool sa pagho‑host ng Airbnb para mapangasiwaan ang mga booking kapag mababa ang demand. Pag‑isipan ang kagandahan ng bawat isa para mapagpasyahan ang naaangkop sa negosyo mong pagho‑host.

1. Payagan ang mas maiikling pamamalagi

Kung papaikliin mo ang itinakda mong minimum na tagal ng pamamalagi, puwedeng ma‑book ang mas maraming gabi sa kalendaryo mo at mahikayat na mag‑book ang mga bisitang naghahanap ng mas maiikling pamamalagi.

Puwede mong iangkop ang minimum na tagal ng pamamalagi batay sa araw. Halimbawa, kung mas mataas ang demand ng bisita tuwing weekend, puwede mong payagan ang mga isang gabing pamamalagi sa gitna ng linggo pero hindi kapag nag‑book ang mga bisita para sa Biyernes o Sabado.

Para paikliin ang minimum na tagal ng pamamalagi:

  • Pumunta sa tab na Availability sa kalendaryo ng listing mo.
  • Sa Tagal ng pamamalagi, i‑tap ang Minimum na tagal.
  • I‑edit ang minimum na tagal ng pamamalagi para itakda ang bilang ng gabi na gusto mo.

“Kung may walong gabing bakante sa kalendaryo ko, malabong makapag‑book ako ng pitong gabing pamamalagi,” sabi ni Felicity na miyembro ng Host Advisory Board at Superhost sa New South Wales, Australia. “Kung papaikliin ko ang minimum na tagal ng pamamalagi sa panahong iyon, malamang na makahikayat ako ng mas maraming bisita.”

2. Paikliin ang paunang abiso

Subukang payagan ang mga bisita na mag‑book nang mas malapit sa petsa ng pag‑check in para mas maraming mag‑book sa iyo kapag mababa ang demand. Puwede kang pumili ng minimum na lead time na hanggang sa mismong araw ng pag‑book, depende kung gaano katagal ang kailangan mo sa pagitan ng pagbu‑book ng bisita at pagdating niya.

Para baguhin ang minimum na lead time:

  • Pumunta sa tab na Availability sa kalendaryo ng listing mo.
  • Buksan ang Paunang abiso.
  • Piliin ang bilang ng araw na gusto mo.

Puwede mo ring payagan ang mga kahilingang may mas maikling abiso kaysa sa minimum na lead time. Hihilingin sa iyo na suriin at aprubahan ang mga ganitong kahilingan.

“Magandang pagkakataon ito para mamukod‑tangi sa ibang property na hindi nag‑aalok nito,” sabi ni Karen na Superhost sa Nelson, British Columbia. “In‑activate ko rin ang sariling pag‑check in at gumagamit ako ng mga nakaiskedyul na mensahe para magbigay ng mga direksyon. Sa ganitong paraan, napapatuloy ko ang mga bisitang nagbu‑book nang malapit na sa petsa ng pag‑check in.”

3. Magdagdag ng diskuwento para sa pahabol na pagbu‑book

Puwedeng makahikayat ng mga pahabol na nagbu‑book kung babawasan mo ang presyo kada gabi habang papalapit ang petsa ng pag‑check in. Subukang mag‑alok ng diskuwento para sa mga booking na gagawin 1 hanggang 28 araw bago ang pag‑check in para ma‑book ang mga gabi sa kalendaryo mo at madagdagan ang kikitain mo.

May lalabas na espesyal na palatandaan sa page ng listing mo at sa mga resulta ng paghahanap kapag nagtakda ng diskuwentong 10% o higit pa sa median na presyo ng listing mo sa loob ng 60 araw. Isasaad ang presyong may diskuwento sa tabi ng orihinal na itinakda mong presyo na naka‑strikethrough.

Para magdagdag ng diskuwento para sa pahabol na pagbu‑book:

  • Pumunta sa tab na Presyo sa kalendaryo ng listing mo.
  • Sa Higit pang diskuwento, buksan ang Mga diskuwento para sa pahabol na pagbu‑book.
  • Ilagay ang bilang ng araw bago ang pagdating mula 1 hanggang 28.
  • Ilagay ang porsyentong diskuwento na gusto mong ialok.

“Komportable akong magdiskuwento nang 15% bilang maximum,” sabi ni Jimmy na Superhost sa Palm Springs, California. “May minimum na presyo ako kaya hindi ito magiging mas mababa roon. Para sa nalalapit na reserbasyon sa paparating na weekend, handa akong itakda ang minimum na presyong iyon para ma‑book.”

4. Magdagdag ng mga lingguhan at buwanang diskuwento

Kapag nagtakda ka ng diskuwento para sa mas matatagal na pamamalagi, posibleng mapataas ang ranking mo sa mga resulta ng paghahanap, mapunan ang mga gabing walang booking sa kalendaryo mo, at mapadalang ang pagpapalit ng bisita. Pag‑isipang mag‑alok ng lingguhang diskuwento para sa mga pamamalaging pitong gabi o mas matagal pa at buwanang diskuwento para sa mga pamamalaging 28 gabi o mas matagal pa.

May lalabas na espesyal na palatandaan sa page ng listing mo at sa mga resulta ng paghahanap kapag nagtakda ng lingguhan o buwanang diskuwento na 10% o higit pa. Itatampok din ang lahat ng diskwento para sa tagal ng pamamalagi sa tabi ng orihinal na itinakda mong presyo sa mga detalye ng presyo.

Para magdagdag ng lingguhan o buwanang diskuwento:

  • Siguraduhing sumusunod sa mga lokal na alituntunin at regulasyon ang minimum at maximum na tagal ng pamamalagi na itinakda mo.
  • Kung makakapag‑alok ka ng lingguhan o buwanang pamamalagi, pumunta sa tab na Presyo sa kalendaryo ng listing mo.
  • Sa lingguhan o buwanang diskuwento, magtakda ng porsyentong diskuwento at i‑tap ang I‑save.

“Mas maraming makakapansin sa listing mo kapag nag‑alok ka ng lingguhan o buwanang diskuwento,” sabi ni Omar na Superhost sa Mexico City. “Napansin kong mas marami nang biyahero ang gustong mamalagi nang mas matagal, lalo na ang mga nakakapagtrabaho mula kahit saan.”

5. Magdagdag ng iniangkop na promo

Magandang paraan ang pagdaragdag ng promo habang mababa ang demand para mapansin sa mga resulta ng paghahanap at makakuha ng mas maraming booking. May lalabas na espesyal na palatandaan sa page ng listing mo at sa mga resulta ng paghahanap kapag nagtakda ka ng diskuwentong 15% o higit pa.

Para magdagdag ng iniangkop na promo:

  • Pumunta sa tab na Presyo sa kalendaryo ng listing mo.
  • Pumili ng mga petsa sa kalendaryo.
  • Magtakda ng porsyentong diskuwento.

Posibleng hindi palaging makakapagtakda ng iniangkop na promo para sa listing mo. Kasama sa mga rekisito na dapat nagkaroon na ng tatlong booking ang listing mo at naganap sa nakalipas na taon ang isa sa mga ito, at hindi bababa sa 28 araw nang available ang mga petsang pinili mo.

“Gamit ang mga promo, nakakapagtakda ako ng presyo para sa mga susunod na buwan at may opsyon akong magbigay ng diskuwento kung wala pang naging interesado sa panahong iyon,” sabi ni Daniel na miyembro ng Host Advisory Board sa Tenerife sa Canary Islands. “Isa ito sa mga paborito kong tool dahil gusto kong inaalam at inaayunan ang supply at demand.”

6. I‑update ang itinakda mong presyo

Makakatulong ang paghahambing ng mga presyo ng mga katulad na listing sa lugar mo para makapagtakda ka ng mga sulit na presyo at makakuha ka ng ilan pang booking kapag bumababa na ang demand. Kung mas mataas sa presyo ng mga katulad na listing sa malapit ang itinakda mong presyo, puwede mo itong bawasan para makahikayat ng mas maraming bisita at mapataas ang ranking mo sa mga resulta ng paghahanap.

Kung pareho ang presyo ng bawat gabi, pag‑isipang magtakda ng ibang presyo para sa weeekend at sa weekday. Posibleng ma-maximize ang mga booking kapag iba ang itinakda mong presyo batay sa araw.

Para maghambing ng mga katulad na listing:

  • Pumunta sa tab na Presyo sa kalendaryo ng listing mo.
  • Pumili ng hanay ng petsa na hanggang 31 araw.
  • I‑tap ang I‑preview ang mga katulad na listing.

Mape-preview mo sa mapa ng lugar mo ang average na presyo ng mga katulad na listing sa malapit. Sa pamamagitan ng mga button sa mapa, mape-preview mo ang mga na‑book o hindi na‑book na listing. Kabilang sa mga salik na ginagamit para matukoy kung ano‑anong listing ang katulad ng iyo ang lokasyon, sukat, mga feature, amenidad, rating, review, at iba pang listing na bina‑browse ng mga bisita habang isinasaalang‑alang ang iyo.

“Sinusubaybayan ko ang mga listing na katulad ng akin para masigurado kong nakakapagtakda ako ng mga sulit na presyo,” sabi ni Katie Kay na miyembro ng Host Advisory Board at Superhost sa Lake Arrowhead, California. “Mahalagang maging flexible kapag mas mababa ang demand kung gusto mo talagang piliin ng mga tao ang listing mo.”

Palaging ikaw ang nagkokontrol ng presyo at iba pang setting mo. Posibleng maiba ang resulta para sa iyo. 

Binayaran ang mga host para sa pakikilahok nila sa mga panayam.

Posibleng nagbago ang impormasyong nakasaad sa artikulong ito mula noong na‑publish ito.

Airbnb
Nob 11, 2024
Nakatulong ba ito?