Mga tip para mapadali ang pagho‑host sa panahong may mataas na demand
Makakatipid ka ng oras at posibleng maging 5‑star ang patuluyan mo kapag nagplano ka nang maaga para sa panahong mataas ang demand. Isaalang‑alang ang mga tip na ito kapag pinapangasiwaan mo ang mga sunod‑sunod na booking.
Pagpapadali sa pag‑check out
Inaasahan ng mga bisita na walang aberya sa pag‑alis nila. Umisip ng mga paraan para maging mas simple ang proseso ng pag‑check out hangga't posible.
- Bawasan ang mga gawain. Mas gusto ng mga bisita kapag madali lang ang pag‑check out. Ipaliwanag kung ano ang kailangang gawin bago sila umalis, tulad ng kung paano magla‑lock.
- Magtakda ng malilinaw na tagubilin. Ilagay ang mga tagubilin sa pag‑check out sa gabay sa pagdating sa listing mo. Awtomatikong ipapadala ng Airbnb sa mga bisita ang mga tagubilin sa pag‑check out sa gabi bago ang nakatakdang pag‑check out.
- Magpadala ng mensahe ng pasasalamat. Puwede mong imbitahan ang mga bisita na bumalik. Ipaalam sa kanilang pinapahalagahan mo ang feedback nila. Puwedeng itanong kung ano ang magugustuhan nila sa susunod na bumisita sila.
Pag-aasikaso sa mabilisang pagpapalit ng bisita
Mapapadali at mas magiging maayos ang paghahanda para sa sunod na bisita kapag mayroon kang routine sa paglilinis.
- Gumawa ng checklist. Puwedeng makatulong sa iyo ang pagsunod sa mga nakatakdang hakbang bago ang bawat pag‑check in para maiwasang may mapalampas.
- Maghanda ng mga ekstrang linen. Puwede kang maghanda ng isa pang set ng mga kobre‑kama at tuwalya para mabawasan ang paglalaba sa pagitan ng mga booking.
- Mag‑sign up para sa mga serbisyo sa paghahatid. Makakatulong ang pag‑iiskedyul ng umuulit na order ng mga produktong panlinis at iba pang bagay na karaniwan mong ginagamit tulad ng toilet paper at sabon para hindi ka maubusan.
- Bumuo ng team ng suporta. Pag‑isipang magkaroon ng backup na plano para sa paglilinis at pagmementena o magdagdag ng co‑host na tutulong sa paghahanda ng tuluyan sa pagitan ng mga pamamalagi.
“Nakakatulong ang checklist para matuunan ko ang trabaho at masigurong walang nakakaligtaan,” sabi ni Robin na Superhost sa Mount Barker, Australia. “Gumaganda ang karanasan namin ng mga bisita kapag naaalala ko ang mga munting detalye.”
Pagtatampok ng mga pamanahong amenidad
Magdagdag ng mga amenidad na naaayon sa panahon sa patuluyan mo para mamukod-tangi ang listing.
- I‑update ang mga litrato ng listing mo. Sa mas maiinit na buwan, puwede mong ipakita sa mga bisita ang pool, ihawan, duyan, o daan papuntang beach. Sa mas malalamig na buwan, puwede mong itampok ang fireplace sa loob ng tuluyan, hot tub, o daan papuntang ski‑in/ski‑out.
- Ilista ang lahat ng amenidad ng tuluyan mo. Maraming bisita ang naghahanap sa Airbnb ng mga matutuluyang may mga amenidad at feature na gusto nila. Siguraduhing kumpleto ang listing mo.
- I‑update ang paglalarawan ng listing mo. Tumpak na inilalarawan ng mga de‑kalidad na listing kung ano ang maaasahang makita, marinig, at maranasan ng mga bisita habang namamalagi sila.
“Nagdaragdag kami taon‑taon ng bagong amenidad na espesyal para maengganyong bumalik ang mga dating bisita,” sabi ni Fred na Superhost sa Placencia, Belize. “Nagdagdag na kami ng gazebo, obserbatoryo, at bar sa ibabaw ng tubig.”
Posibleng nagbago ang impormasyong nakasaad sa artikulong ito mula noong na‑publish ito.
