Marianne
Ang pagsisikap ng isang ina na panatilihing ligtas ang pamilya niya sa mga wildfire

Napilitang lumikas ang pamilya ni Marianne sa bahay nila dahil sa Bridge Fire sa Timog California.
Noong nag‑uwi ng tuta si Marianne at ang pamilya niya sa bahay nila sa Wrightwood, California, hindi nila naisipang kakailanganin nilang lumikas kinabukasan din. Noong Martes, Setyembre 10, karaniwan lang ang umaga nila. Pumasok sa paaralan ang mga anak ni Marianne na 14, 12, at 9 na taong gulang na mga batang babae, at nagtrabaho siya sa patyo habang maaliwalas ang kalangitan.

Isang araw bago lumikas ang pamilya, nag‑uwi sila ng tutang pinangalanang Toblerone, o Toby kapag pinaikli.
Pagsapit ng hapon, lumakas ang hangin at nagkalat ang abo habang lumalapit ang Line Fire. Bagama't sinabi ng mga opisyal na magiging ayos ang lahat, sinundo na ni Marianne ang mga anak niya mula sa paaralan. Pinanood nilang lumala ang sitwasyon sa labas. “Nagmukhang katapusan na ng mundo,” sabi ni Marianne. “Sabi namin ng asawa ko, ‘Mga anak, mag‑impake na kayo.’” Hindi nagtagal at nag‑utos na ng paglikas.
“Nagmukhang katapusan na ng mundo. Sabi namin ng asawa ko, ‘Mga anak, mag‑impake na kayo.’”
—Marianne, bisita sa Airbnb.org

Matatanaw mula sa bahay ni Marianne kung gaano kalapit ang naabot ng apoy. (Litratong kinunan ni Marianne)
Samantala, nakipagtulungan ang Airbnb.org sa mga lokal na nonprofit sa county ng San Bernardino, Hearts & Lives, at Visit Big Bear para makapagpatuloy ng mga taong lumikas sa mga Airbnb nang libre. Tatlong Airbnb host ang nagboluntaryong tumulong sa mga partner na maghanap ng mga bisita at magpamahagi ng impormasyon tungkol sa pang‑emergency na matutuluyan sa pamamagitan ng Airbnb.org. Nagsikap sina Tara, Katie, at Monique na gumawa ng mga form ng paggamit, mag‑post sa social media, at makipagtulungan sa mga lokal na partner para mabigyan ng matutuluyan ang mga taong lumikas sa mga komunidad nila. “Hindi na alam ng mga tao ang gagawin,” sabi ni Tara. “Bakas sa boses nila ang gaan ng kalooban noong nalaman nilang posible silang mabigyan ng lugar para mapagapang ang sanggol nila, makapaglaba, at makapagluto. Damang-dama ang pasasalamat nila.” Sa tulong ng mga host at partner, nakapagbigay ng matutuluyan ang Airbnb.org para sa mahigit 1,000 residente ng San Bernardino na kinailangang lumikas dahil sa Bridge Fire at Line Fire, kasama na ang daan‑daang bata at alagang hayop.

Tumulong ang mga Airbnb Superhost na sina Tara at Katie sa mga lokal na nonprofit na tumukoy ng mga bisitang nangangailangan at bigyan sila ng mga matutuluyang Airbnb.
“Bakas sa boses nila ang gaan ng kalooban noong nalaman nilang posible silang mabigyan ng lugar para mapagapang ang sanggol nila, makapaglaba, at makapagluto. Damang-dama ang pasasalamat nila.”
—Tara, Airbnb Superhost sa Big Bear, CA

Kasama ang pamilya ni Marianne, kabilang si Toby, sa mga namalagi nang libre sa isang Airbnb habang ipinapatupad ang utos na lumikas. “Bumaliktad ang mundo namin. Napakalaking ginhawa ng pagkakaroon ng lugar na matutuluyan namin,” sabi niya. Nagbalik‑tanaw siya sa unang beses na nakapaglabas siya ng mga gamit sa banyo sa loob ng ilang araw. “Maliit na bagay lang iyon, pero malaki ang naitulong noong nailapag ko na ang mga gamit ko at nagkaroon ako ng pagkakataong mag‑isip.”

Matapos ang dalawang linggo ng pagsubaybay sa mga wildfire at pag‑aalala sa bahay nila, ligtas na nakabalik ang pamilya ni Marianne sa tahanan nila.
Ligtas silang nakauwi pagkalipas ng dalawang linggong nalayo sila roon, nabalikan nila ang mga alagang hayop nila, at nakapasok na ulit sa paaralan ang mga bata. Ikalawang pagkakataon na ito na kinailangang lumikas ni Marianne at ng asawa niya dahil sa mga wildfire mula noong lumipat sila sa Wrightwood noong 2015. Posibleng hindi pa ito ang huling pagkakataon, pero ayon kay Marianne, masuwerte siya dahil handang sumuporta ang komunidad na tinitirhan nila, lalo na kapag may emergency.
“Hindi namin malaman ang gagawin, pero dahil sa Airbnb.org, nagkaroon kami ng pag‑asa at kapanatagan na malalampasan namin iyon, hindi nang naghihikahos kundi nang may suporta at dignidad.”Suportahan ang Airbnb.org
Direktang napupunta ang 100% ng mga donasyon sa pagpopondo ng mga libreng matutuluyan para sa mga taong nangangailangan ng tulong.
Magbigay ng donasyon